Troll farms na ginagamit pangkalat ng fake news at misinformation, maaari pang imbestigahan!
Ipinuna ni Vice President Leni Robredo na ‘it is never too late’ para sa Senado na imbestigahan ang mga troll farms na umano’y funded ng gobyerno at ginagamit upang magpakalat ng pekeng balita at misinformation.
Nitong nakaraang linggo matatandaang 12 senador ang nagpanukala ng resolusyon na nananawagang imbestigahan nga ang mga troll farms na ito. Matatandaang nagparinig si Sen. Panfilo Lacson na mayroong undersecretary na nasa likod ng 2 troll farms at naglalayong atakihin ang oposisyon at iba pang posibleng mga kandidato sa Halalan 2022.
Ani ni Robredo sa kanyang weekly radio program, “Welcome ito. Kailangan natin ito since 2016. ‘Yung iba nagsasabi, bakit ngayon lang? Para sa akin, never too late kasi sinasalba mo future. Eh kung hindi ito mahinto, ito na ‘yung kalakaran na maging mas delikado ito during the pandemic.”
Ipinuna niya na noong 2016 pa ay nandiyan na ang troll farms, at ang mga ito’y nagdadala umano ng takot sa mga taog mayroong kritisismo sa responde ng gobyerno sa mga isyu sa bansa.
Idinagdag pa niya na, “Konti lang ‘yung mga tao na kahit pinuputakte siya ng kung anu-ano, lumalaban pa rin. Karamihan, hindi na lang iimik. Kahit may nakikita kang katiwalian, kahit may nakikitang hindi maganda, ‘di na lang sila iimik. Kasi kung iimik sila, talagang pagkatao aatakihin.”