Report ng ICC Prosecutor, inilabas na
Ang mga naulila dahil sa war on drugs ng Pangulong Duterte at nabuhayan ng loob sa inilabas na report ng ICC Prosecutor.
Si Llore Benedicto Pasco, 66-taong gulang, ay naghahanao ng hustisya para sa kaniyang dalawang anak na pinatay noong Mayo 2017 sa Arboretum ng Quezon City.
Ayon sa ulat ng pulis sa insidente, mga holdaper diumano ang magkapatid at nanlaban sa mga pulis. Nakuhanan din ng baril ang mga ito, pero duda ang kanilang inang si Pasco.
Diumano, “Yung nakita nila dun, yung anak kong nakahawak ng .38, kaliwete yun pero nasa kanan yung baril,” ayon na rin kay Pasco.
Haka-haka ng ina ay napatay ang dalawa matapos kusang magpalista sa drug watchlist ng kanilang barangay. Sila ay mga drug user dati na tumigil na rin.
Idinagdag pa ni Pasco, “In-encourgae ko sila na talagang pumunta kayo tutal malinis naman na ang record niyo. Nakakagalit talaga. Wala talagang nag-akala na yung pagpapalista sa barangay ang magiging mitsa ng buhay nila.”
Nitong Martes, naglabas ng ulat ng Office of the Prosecutor of the International Criminal Court (ICC). Nakakita umano ng ‘reasonable basis’ para tukuyin na mayroon ngang nagaganap na crimes against humanity sa bansa simula pa noong pagkaupo ni Pangulong Duterte nitong Hulyo 2016, hanggang sa pagliban ng ICC sa bansa noong Marso 2019.
Target din ng ICC prosecutor na sa susunod na 6 na buwan ay magkaroon na sila ng desisyon kung iimbestigahan ang mga naganap na patayang itinutukoy na mayroong kaugnayan sa war on drugs, at kung may kinalaman ba dito ang Presidente.
Sa ngayon, ipinagkibit-balikat lamang ito ng Palasyo.
Nagbitaw ng pahayag si Presidential Spokesman Harry Roque, “Hindi po natin kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC, at desisyon nila. Sayang lang ang pera at oras.”
Habang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay nagsabing hindi patas at hindi katanggap-tanggap na base lamang sa isang panig ang inilabas na ulat ng prosecutor galing ICC. Nagtataka din diumano sila paano nalikom ang findings kung nagbabase lamang sa open-source information.
“Ito na yung pag-asa. Hinahangad talaga namin na magkaroon ng imbestigasyon at panagutin, ikulong siya sa lahat ng mga ginawa niyang pagkakasala,” ayon kay Pasco.
Ayon naman sa Pangulo, hindi siya takot makulong.