Pagsuot ng face mask sa loob ng kotse, iginigiit ng LTO
Ipinaparating ng Land Transportation Office (LTO) na magsisimula na silang maghigpit sa polisiya ng pagsusuot ng face mask sa loob ng sasakyan, walang pagkakaiba kung pribado man o pampubliko ito.
Ayon sa isang panayam ng LTO-NCR director na si Clarence Guinto, ang polisiya’y dapat sundin kahit na ang mga pasahero ay nakatira lamang sa iisang bahay.
Nabanggit din ng ahensya, magkakaroon ng PHP 2,000 multa ang mga lalabag sa polisiya kung pribado ang kanilang sasakyan, at PHP 5,000 naman kung pampubliko ito.
Idinagdag naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kung ang pasahero ay nag-iisa lamang sa sasakyan, wala itong obligasyong magsuot ng face mask at hindi rin huhulihin.
Mayroong reaksyon ang isang infectious disease specialist na si Dr. Rontgene Solante ng San Lazaro Hospital. Ani ng doktor, “I would recommend na mag-mask pa rin. But if you’re kamag-anak, you’re living together, halimbawa 2 kapatid, ang mother, ang father, you’re in the same house and you’re going out in the same car I would not advise siguro na mag-mask.”
Wala pang reaksyon galing LTO ukol sa opinyong ito.