“Pa, mahal na mahal kita,” ani ng kinse anyos na si Chormel Buenaflor sa ama bago umalis ng bahay.

Nagpaalam sa ama na maglalaro lamang ng basketball ang isa sa mga binatilyong nabiktima ng pananaksak na nagdulot sa kanyang kamatayan, kasama ang isang kaibigan.

Natagpuan ang mga katawan nila Carl Justine Banogon at Chormel Buenaflor, parehong mga 15-anyos na mga menor-de-edad, na palutang-lutang sa Isla Puting Bato ilang araw matapos dineklarang nawawala.

Isinilid sa isang body bag ang mga bangkay, naka-tape ang mga paa, kamay, at mukha ng mga ito nang matagpuan. Tinadtad ang ulo at katawan ng mga binatilyo ng saksak, mayroong mga laslas sa leeg, at ginuhitan pa ng smiley face ang isa gamit ang ice pick.

Ani ng ama ni Buenaflor, “Bilang isang magulang masakit na ganunin ‘yung anak mo, paglaruan, parang blackboard. Nakatagpo ‘yung anak ko ng demonyo.”

Kuwento pa nito ukol sa huling engkuwentro nila, sinabihan pa siya ng anak na mahal siya nito.

Nagpahiwatig din si Chormel na hindi na siya makabalik, at na alam na nito ang mangyayari.

Walang maisip ang pamilya nila kung sino ang nasa likod ng krimen na ito.

Ani naman ng kapitan sa barangay nila, pasaway na mga bata ang dalawa. Mayroon umano itong namurang mga kagawad at nagnanakaw pa.

Sa kasalukuyan patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung sino ang may sala ng krimen.

Leave a Reply

Your email address will not be published.