Nag-check in sa motel pero imbis na magbayad, siya pa ang naningil!

Nahuli ang isang lalaki matapos itong makipag-habulan ng kotse mula Quezon City pa-Manila nitong umaga ng martes.

Ang arestadong suspek ay kinikilala bilang si Arvin Tan at nakuhanan pa ng video na nangamok sa Manila Police District Headquarters at nagtangka pang tumakas sakay ang isang itim na kotse nang subukang arestuhin ng mga pulis.

Ang suspek ay nag-check in umano sa isang motel sa Timog Avenue, Quezon City at nang mag-check out ay naghanap ng manager at nag-demandang bigyan siya ng PHP 20,000.

Ani ni Quezon City Police District Station 10 chief Lt. Col. Alex Alberto III, “Nung palabas na siya, hinahanap itong manager natin. At nu’ng magkita, humingi ng PHP 20,000. Imbis na magbayad ay nanghingi pa siya ng pera.”

Ipinagtaka umano ng manager ito kaya nagtawag ito ng tulong mula sa pulisya. At pag-abot nga nila sa lugar ay sinubukang banggain ng suspek ang sasakyan ng mga pulis.

Bilang back-up, sinubukang harangin ng MMDA si Tan sa EDSA Timog, pero nakatakas din ito.

Ayon sa isa sa mga traffic enforcer na humarang dito, “’Yung isang kotse sa unahan niya ang ginawa niya para hindi siya mahuli binunggo niya, tinulak niya nang ganun! Tinulak niya ‘yung ano para makalusot siya.”

Mayroon pa itong isa pang sasakyan na binangga at tricycle.

Ang habulan ay umabot hanggang Morayta sa Manila at dito’y naharangan na ang suspek. Haharap si Tan ng estafa, disobedience, resisting arrest, at reckless imprudence resulting in physical injury and multiple damage to property.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *