Matapos maihayag ang mga ebidensya laban sa Pharmally, nagawa pang puntiryahin at sampahan ng kaso ng Pharmally si Risa Hontiveros.
Ipinahayag ni Ana Theresia “Risa” Hontiveros na “laughable” at “futile” ang pagsasampa ng kasong sedition at perjury laban sa kanya ng Pharmally. Ipinarating niya na isa itong diversionary attempt ng kumpanya sapagkat onti-onti na silang nabubuking sa kanilang maling gawain sa ating bansa.
Ang mga paratang na ito ay nagmula sa mga nagsilbing witness sa Senate Blue Ribbon Committee (SBRC) na sina Jaime Vergas at Veejay Almira, sa pangunguna ni abogado Ferdinand Topacio.
Hindi naman nag-alinlangan si hintiveros na ipresenta ang mga ebidensya at resibong hawak niya na magpapatunay na walang anumang panunuhol o pananakot ang nangyari. Sa katunayan, ang mga complainant ang nauna at nagkusang nagpadala ng mensahe kay Hontiveros upang ibahagi ang kanilang mga nalalaman sa Pharmally. Kaya naman labis ang ipinagtataka ni Hontiveros kung bakit na lamang nakakagawa pa ng mga ganitong mga paratang ang Pharmally.
Sa kabila ng kanilang pagtetestigo, umaapaw na rin ang mga impormasyon na naisiwalat ng Senado mula sa imbestigasyon sa SBRC tungkol sa mga anomaliyang nagaganap sa kumpanya ng Pharmally. Ipinaparating nila na hindi sila titigil hangga’t hindi nahuhuli ang mga taong may sala at hindi natutuklasan ang buong katotohanan.