Kuha sa CCTV ang mga huling sandali ni Christine Dacera

Kumalat na sa social media ang mga video na naglalaman ng mga huling oras ni Christine Dacera sa City Grand Garden Hotel sa Makati City, kung saan siya’y natagpuang patay noong ika-1 ng Enero.

Ang CCTV footage ay kuha sa hallway ng 22nd floor ng hotel noong ika-31 ng Disyembre 2020. Makikita dito ang mga kasamahan ni Dacera na lumalabas ng room 2209 para lumipat sa room 2207. Ang oras sa footage ay 11:21 PM.

Makalipas ang 17 minuto, ilan sa kanila ay bumalik sa 2209 kasama si Dacera.

Noong 2:50 AM pagka-Enero 1, lumabas muli si Dacera kasama ang isang lalaki at lumipat sa 2207. Mayroong dumating na mga room boy na nagdala ng extra bed sa kuwartong ito.

Kalauna’y bumalik si Dacera sa 2209 kasama ang isang lalaki ulit.

Sa mga sumunod na minuto, mayroong ilang lalaki na naglalabas-masok sa 2209. Bandang 3:15 AM lumabas ulit si Dacera at lumipat sa 2207.

Pagka-3:21 AM ay lumabas mula sa 2207 ang isang lalaki para pumunta 2209.

Mayroong tatlong lalaki ang sumundo kay Dacera sa 2207 upang bumalik sa 2209.

Noong 4:39 AM, lumabas ng 2209 si Dacera kasama ang isang lalaki at lumipat ng kuwarto. Pagka 4:52 AM ay bumalik sila sa 2209.

Pagka-5:05 AM, nakikipaghabulan pa si Dacera sa hallway kasama ang kanyang mga kaibigan.

Pumatak ang 6:23 AM ay mayroong bumuhat kay Dacera mula 2207 para lumipat sa 2209, at si Dacera mismo ang nagbukas ng pinto ng kuwarto.

Bandang 7:23 AM, ang mga nasa 2207 ay nagsialisan na at nakunan pa silang sumakay ng elevator.

Noong 9:02, isang lalaki mula 2209 ang umalis.

Pagpatak ng 12:22 ng tanghali bumukas ang 2209 at sumilip ang isang lalaki. Mayroon namang dalawang lalaki na kumatok sa pintuan nito at kinausap ang mga nasa loob. Makikita dito ang wheelchair na dinala para kay Dacera.

Pagka-labas ng kuwarto, naka wheelchair si Dacera at dinala muna sa clinic ng hotel. Kalauna’y dinala siya sa ospital kung saan inanunsyo na siya’y dead-on-arrival.

Leave a Reply

Your email address will not be published.