Hustisya ang panawagan ng Biyuda ng Construction Worker na pinatay

Isang construction worker ang napagkamalan bilang holdaper na nagdulot sa pamamaril ng isang pulis sa kanya sa bayan ng Santa Rita sa Pampanga.

Desidido ang misis ng biktima, si Carla Navarro Pineda, na panagutin ang pulis na namaril sa kanyang asawa. Aniya, “Yung hustisyang gusto niya ipaglalaban ko, lahat gagawin ko para makuha yung hustisya para sa kaniya.”

Sa ospital binawian ng buhay ang kanyang asawa na si Federico, 29, matapos barilin ng Patrolman Eframe Ramirez sa isang dragnet operation.

Nagpahayag ang Commission on Human Rights (CHR) ng pagkadismaya sa naging “maling akala” ng pulis. Ito ay ayon sa officer-in-charge ng CHR-Region 3 Atty. Leorae Valmonte, na binaggit na may nauna nang kasong kinasangkutan ng kapulisan matapos ang insidente sa Tarlac.

Ani niya, “We’ve heard the explanation na accidental firing daw. In our opinion, he should have not drawn his weapon in the first place kasi there is no imminent danger to himself or to the public kasi wala namang aggression na noted doon sa issue.”

Bukod kay Carla, mayroong dalawang anak, kapwa 9 at 7 taong gulang, ang naulila sa pagkamatay ni Federico.

Diumano’y ang biktima ay nanggaling lamang sa kaarawan ng bunsong anak nang mangyari ang pamamaril. Inihatid lamang niya ang tiyuhin sa sabungan kung saan din pumasok ang suspek na hinahabol ng operasyon. Nagkataong parehong nakaputi si Federico at ang suspek.

Nagpadala na ng abogado ang kapitolyo upang mapabilis ang pag-usad ng kaso sa pagkamatay ni Federico.

Si Ramirez ay nasampahan na ng kaso noong Martes. Nagsabi na rin si PNP Chief Debold Sinas na ididismiss sa serbisyo ang nabanggit na pulis.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *