Hangad niyang maibsan ang nararanasang hirap ng mga konsyumer.
Ipinanawagan ni Senator Ana Theresia “Risa” Hontiveros ang pagsuspinde sa taas-singil sa kuryente sa bansa. Ipinahayag niya na nais niyang solusyonan ang suliranin sa pagtaas ng singil sa kuryente sapagkat ang Pilipinas ang kasalukuyang mayroong pinakamahal na electricity rates sa buong ASEAN.
Sa isang pagpupulong, pinakiusapan ni Hontiveros ang Utility Economic Head ng Meralco na si Larry Fernandez na palawigin ang kanilang installment based payment scheme nang sa gayon ay matulungan ang mga tao na makayanan ang kanilang mga hinaharap na economic difficulties. Sa pamamagitan rin nito, mababawasan ang mga problemang iniisip ng mga tao sa panahon ng COVID-19 pandemya.
Ninanais ni Hontiveros na magkaroon ng refund ang mga electric consumers sapagkat magmula 2019 ay umabot na sa 12.32 bilyong piso ang kinita ng National Grid Corportation of the Philippines (NGCP) at Manila Electric Company (Meralco). Ang bagay na ito ay lubhang nakaapekto sa pagdagdag ng mga bayarin ng mga consumers.
Kaya naman, tinitiyak ni Hontiveros na ipaglalaban niya ang tuluyang pagsuspinde ng taas-singil ng kuryente. Layunin niyang bawasan at bigyan ng solusyon ang mga problema ng mga tao. Sa panahon ngayon, hindi na dapat dinadagdagan ang paghihirap ng mga tao sapagkat marami na ang nagigipit bagkus ay dapat silang suportahan at tulungan. Sinisiguro ni Hontiveros na hindi siya titigil hangga’t hindi pa rin umuunlad ang kalagayan at pamumuhay ng mga tao.