Angel Locsin, nag-sorry sa kaguluhan ng birthday community pantry niya
Angel Locsin nanghingi ng sorry para sa kaguluhan ng community pantry na binuksan niya. Dinagsa ito ng mga taong hindi na sinunod ang social distancing, at ang nakakalungkot pa, isang senior citizen ang binawian ng buhay habang nakapila.
Sa kanyang Instagram account, binahagi ni Angel na ang staff at lugar naman sana’y well prepared para sa posibleng mangyayari pero marami umanong mga sumisingit sa pila kaya imposibleng masunod ang social distancing.
Nanghingi na umano sila ng tulong sa City Hall, sa polisya, military, at sa barangay upang matulungang maayos ang crowd na nahugot ng community pantry, pero kahit na napakarami nang sumusubok magregulate, hindi pa rin naisaayos ang mga pila.
Ani ni Angel, “Hindi po ito ang gusto kong mangyari. Nagsimula po kami ng maayos. Nagkataon lang talaga na gutom lang po talaga ang mga tao na kahit wala sa pila, sumingit na po sila.”
Nanghingi ulit ng paumanhin ang aktres at nagsabing gusto lang talaga niyang maipagdiwang ang kaarawan sa pamamagitan ng pagbibigay tulong sa mga nangangailangan.
Ang senior citizen, na kinilalang si Rolando dela Cruz, ay nahimatay sa pila at nadeklarang patay pagkadala nito sa ospital.