Ang libreng medical examination sana’y parte ng benepisyo nila bilang manggagagawa ngunit hindi sila nakakatamasa sa seguridad na ito!
Idinala ni Senator Risa Hontiveros ang serbisyo ng Healthy Pinas Mobile Clinic – ang mga libreng check-up, medical examinations gaya ng ultrasound, blood testing, X-Ray atbp. sa mga delivery riders ng Kapatiran sa Dalawang Gulong – Kagulong.
Pinagtuonan ng pansin kung paanong mahalaga magkaroon ng libreng medical examination ang mga riders dahil sa sila’y mga frontliners ng ekonomiya na lagi’t-laging na-eexpose sa mga posibleng sakit. Importanteng masubaybayan ang kanilang kalusugan.
Matagal nang hinaing ng mga grupo ng delivery riders ang kung paano’y hindi nila natatamasa ang benepisyo sanang physical examination, na sana’y bahagi na ng kanilang trabaho. Kung ikukunsidera nga naman ang kanilang binubuno sa araw-araw, dapat nga ay may libre silang access sa healthcare services na makakaantabay sa kanilang mga kalusugan.
Nagpasalamat pa ang samahang ‘Kagulong’ kay Hontiveros na umano’y nakisali at ipinaglalaban ang mga hinaing ng delivery riders na mabigyan ng seguridad sa trabaho.