3 Suspek sa Christine Dacera case, pinalaya muna
“Wala kaming kasalananan,” ito ang pahayag ng mga dinakip na suspek para sa kaso ng hinihinalang rape-homicide laban sa biktimang si Christine Dacera.
Humarap sa media noong gabi ng ika-6 ng Enero sila Rommel Galido, John Pascual dela Serna, at John Paul Halili, 3 sa 11 na suspek na sangkot sa pagkamatay ng flight attendant na nabanggit.
Lagpas alas-siyete ng gabi pinakawalan ng Makati City Police ang tatlo matapos magpalabas ng resolusyon ang Makati City Prosecutor’s Office na nagsaaad ng pangangailangan na magsagawa ng regular na imbestigasyon sa kaso upang tuluyang matukoy kung totoo ba ang hinalang si Dacera ay ni-rape at kalauna’y pinatay.
Ayon na rin sa ulat ng Makati police, si Dacera ay natagpuang patay noong ika-1 ng Enero sa bathtub ng isang hotel dahil sa “ruptured aortic aneurysm.” Ngunit kalauna’y nagsuspetya sila sa posibleng rape-slay.
Si Halili, napaiyak nang napaharap sa media habang nagsalaysay ng hirap na dinanas dulot ng sitwasyon. Ani pa niya, “Hirap na hirap na kasi ang pamilya ko, buong pamilya ko. Wala naman kaming kasalanan.”
Siya’y nanawagan din sa publiko na huwag agad-agad magpataw ng panghuhusga.
Samantalang si Galido naman, nanawagan sa pamilya ni Dacera na kanyang tinuturing na malapit na kaibigan. Nagbitaw siya ng pahayag, “Para sa pamilya ni Christine, nararamdaman ko rin ang sakit na nararamdaman nila. Si Christine, parang naging kapatid ko na rin po siya. Mahal na mahal ko po si Christine.”
Habang si dela Serna naman ay nagpahayag ng kanyang pag-asa na maliwanagan ang pamilya Dacerna.
Ang tatlo ay hindi sumagot sa katanungan ng media ukol sa pangyayari noong sila’y kasama ni Dacera pagka-New Year’s Eve sa hotel sa Makati. Ayon naman sa kanilang abugado, ang mga detalyeng ito ay bahagi na ng preliminary investigation.