1.5B pesos na pondo para sa beneficiary drivers, 653M lang ang naipamigay!
Hahanapan umano ng paliwanag ni Senator Grace Poe ang Department of Transportation (DOTr) matapos makatanggap ng mga ulat na nagsasabing ang pondo galing sa Bayanihan fund na para sana sa beneficiary founders ay hindi man lang umabot ng kalahati ang naipamigay.
Ayon sa ulat, sa PHP 1.5B na funding para ipamigay sana sa mga nawalan ng trabaho na mga drivers at miyembro ng transportation industry, aabot lamang ng PHP 653M ang naipamigay ng ahensya.
Pinuna ni Poe na, “Nawalan na nga sila ng trabaho dahil sa lockdowns, posible pa silang maging biktima ulit dahil lang sa mga ahensyang hindi man lang ginagamit ang bilyong pondo na para sana sa kanila.”
Patutsada niya pa sa DOTr, “Imbes na gastusin ang pondo para makabalik na sa kalsada ang ating mga driver, pinapatulog lang ang pera at walang serbisyong naibibigay sa panahon ng kagipitan.”
Dagdag dito’y hahanapan niya ng ulat din ang pondong galing sa Bayanihan 2 dahil nagamit umano ang kabuuan ng PHP 9.5B na pondo galing dito.
Naitanong niya pa sa ahensya, “Nandiyan na ‘yung pera, bakit hindi natin binibigyan ng trabaho ang mga driver at swelduhan sila?”
Ang pondong ito ay nakalaan para sana sa pagbibigay ng bagong pagkakakitaan ng mga driver na walang trabaho sa pandemya.